Pinaaalalahanan ng pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga pasahero at motorista na papasok sa mga pantalan nito na umiwas sa mga fixer gayundin sa mga sinasabi nitong mandurugas.
Kasunod ito ng mga paglalagay ng mga panawagan sa mga pantalang nasa ilalim ng pamamahala ng ahensya kung saan nakasulat dito ang katagang “Huwag maglagay para maunang makasakay.”
Ito ay matapos ang isang ulat kung saan may diumano’y fixer sa Lucena Port na tumatarget ng mga pasahero na gustong mauna sa kanilang sasakyan papasok sa barko kapalit ng dagdag na singil na ₱1,000 kada sasakyan para sa sinasabing ‘priority boarding’ umano.
Kaugnay nito, inatasan ni PPA General Manager Jay Santiago ang mga port manager sa iba’t ibang Port Management Offices (PMOs) sa buong bansa na magsagawa ng mga hakbang para malabanan ang ganitong mapagsamantalang aktibidad na sinasabi nitong nagdadagdag sa pasakit ng mga pasahero.
Nagsagawa na rin ng imbestigasyon ang PPA kaugnay sa nasabing ulat ng umano’y aktibidad ng mga fixer sa pantalan. Lumabas sa isinagawang pagsisiyasat na walang katotohanan ang ulat pero patuloy pa rin ang PPA sa mga hakbang nito laban sa anumang uri ng panloloko.
Pinaalalahahan naman ng PPA ang publiko na huwag tangkilikin ang mga ganitong mga gawi upang iwas na ring maging biktima ng modus. | ulat ni EJ Lazaro