Target ng Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. na madala sa bawat lalawigan at maibigay sa bawat Pilipino ang world class na serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng kaniyang Legacy Hospitals Project.
Ito ang inihayag ng House Leader kasabay ng pagpapasinaya ng dalawampung palapag na Bicol Regional Hospital and Medical Center Legacy Building sa Legazpi City.
Aniya bilang lider ng House of Representatives, tungkulin niya na isakatuparan ang kautusan ng Pangulong Marcos Jr. na magtayo ng mga proyekto na kailangan ng ating mga kababayan.
“Para sa regional specialty hospitals, pangarap ng ating Pangulo na maramdaman din ng mga taga-probinsya ang pag-aalaga sa mga pasyente mula sa mga world-class na ospital tulad nang naitayo ng kanyang ama sa Metro Manila,” saad niya.
Pagsiguro pa ng House Speaker na kung ano ang nasimulan ng ama ng Pang. Marcos Jr. na dalhin sa malalayong lugar para mas maraming Pilipino ang makinabang.
Tinukoy ni Romualdez na ang pagpapasinaya sa Bicol Regional Hospital Legacy Building ay panimula ng pagtatatag ng specialty center sa Albay.
“Umaasa ako na hindi lamang mga taga-Legazpi o taga-Albay ang makikinabang sa world-class service dito kundi maging lahat ng pasyente sa buong Bicol region,” wika niya.
Pagbabahagi pa niya sa mga Bicolano na ang kanilang Legacy Building ay napondohan dahil sa pagsisikap ni Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co.
“Malinaw po ang utos sa amin ng Pangulo: Tiyakin na may sapat na pondo ang lahat ng proyekto at programang inilaan niya para sa ikabubuti ng mga Pilipino,” sabi ni Speaker Romualdez.
“Kaya naman nang ilapit sa akin ng inyong mga congressmen dito sa Bicol ang pangangailangan na magtayo ng regional specialty hospital dito sa inyong probinsya, agad kaming nagtrabaho sa Kongreso para maghanap ng pondo para rito,” wika pa niya.| ulat ni Kathleen Forbes