Isang daang housing units ang ipinamigay ng National Housing Authority (NHA) sa mga katutubong Subanen sa Zamboanga del Sur.
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai matatagpuan ang proyektong pabahay sa Lison Valley Tribal Village, Pagadian City.
Natatangi ang proyekto dahil bawat bahay ay may komportableng espasyo na may sukat na 20-square-meter floor area at 80-square-meter lot, kabilang ang indibidwal na septic tank.
Layon ng ahensya na mapanatili pa rin ang paniniwala, kultura at tradisyon ng tribo sa kanilang mga bagong tahanan, kaya itinayo ang proyektong pabahay sa loob ng ancestral domain nito.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng Housing Assistance Program for Indigenous Peoples (HAPIP) ng ahensya.
Nauna nang pinagkalooban ng pabahay ang 51 pamilya ng Mandaya Tribe sa Davao Oriental noong Marso 2024 at 75 tribong Dibabawon ng Davao del Norte naman noong Mayo 2024. | ulat ni Rey Ferrer