Sinalubong ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang 12 distressed OFWs mula sa Lebanon lulan ng tihad Airways flight EY428, gabi ng June 7 sa NAIA Terminal 3.
Agaran namang naglaan ang OWWA Airport Team ng tulong pinansyal, pagkain, at transportasyon upang matulungan ang mga OFWs na makabalik sa kanilang mga probinsya at hotel accommodation, kung kinakailangan para sa mga Pilipino.
Maliban sa distressed OFWs, may isa ring ina at tatlo nitong anak ang na-repatriate pabalik ng Pilipinas nitong buwan matapos ang mga report nito ng pang-aabuso mula sa kanyang asawang Lebanese.
Sa kabuuan, may halos 300 distressed na Pilipino na ang na-repatriate sa bansa magmula ng itaas ng pamahalaan ang Alert Level 3 o voluntary repatriation sa Lebanon dahil sa mga tensyon doon partikular sa katimugang bahagi nito.
Patuloy naman ang pag-monitor ng pamahalaan sa sitwasyon sa nasabing bansa para sa kaligtasan ng ating mga kababayan. | ulat ni EJ Lazaro