Matutunghayan na ng libre ng publiko ang iba’t ibang atraksyon sa Luneta Park at Quirino Grandstand sa Lungsod ng Maynila bilang bahagi sa pagdiriwang ng Linggo ng Kalayaan ng Pilipinas.
Simula ngayong araw ay mapapanood na ang Kalayaan Obstacle Course na nagtatampok sa Ninja Warriors o katapangan at katatagan ng mga Pilipino kung saan ito ay inisyatibo ng Pilipinas Obstacle Sports Federation.
Itatampok din ang Love Lokal Tiangge na nagpapakita ng iba’t ibang produktong Pinoy na ihahandog naman ng mga Pinoy vendors na tinulungan ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Bureau of Jail Management and Penogy (BJMP).
Mayroon ding Kusina Warrior Competition na ihahandog ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA), Department of Agriculture (DA), at DTI na magtatampok sa mga magagaling na kusinero sa bansa at maglalaban-laban sa pinakamasarap magluto ng adobo at pansit.
Samantala, mapapanood naman ng tatlong gabi ang Musikalayaan na ihahandog ng mga magagaling na mang-aawit at banda na pangungunahan ng grupong The Juan ngayong June 10, Plethora sa June 11, at BINI sa June 12.
Magtatanghal naman mamayang gabi ang National Artist for Dance na si Alice Reyes sa Burnham Green sa Luneta Park.
Libreng pa-sine naman ang mapapanood na pelikula ngayong June 10 at June 11 kung saan itatampok ang Bonifacio: Ang Unang Pangulo, Heneral Luna, at Goyo: Ang Batang Heneral.
Magsasagawa rin ng kanilang taunang pakikibahagi ang Chile Federation dahil may patimpalak sila sa pagkain ng Siling Labuyo, plants and flowers display and selling at iba’t ibang produkto mula sa nasabing bansa.
Simula din ngayong araw, June 10 ay maglalagay ang 41 sangay ng gobyerno sa Central Lagoon ng Pampamahalaang Serbisyo at Programa tulad ng medical care, passport appointment-bookings, NBI Clearance, artisanal delicacies, children story telling, book selling, games, exhibition, at maraming iba pa.
Sa June 12, Araw ng Kalayaan ay mapapanood sa Luneta Park ang main program dahil itatampok ang Parada ng Kalayaan kung saan may 22 float na kumakatawan sa mga probinsya na nagkaroon ng malalaking kaganapan para makamit ang ating demokrasya. | ulat ni Mike Rogas