Iniutos na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa regional director ng DSWD Field Office 11 (Davao Region) na tumulong sa pagsasampa ng kaso laban sa isang opisyal ng barangay na umano’y tinapyasan ang ayuda na para sa isang buntis na humingi ng tulong sa ahensya.
Nag-viral sa social media ang video ng buntis na inireklamong nasa ₱1,500 na lamang ang natanggap na ayuda matapos itong padaanin sa barangay.
Sa impormasyon ng DSWD Davao Region field office, kinilala nito ang biktimang si Anne Villarin, benepisyaryo ng ₱10,000 cash aid sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) noong June 6 payout sa Davao.
Ayon sa DSWD, sinabihan umano ang biktima ng barangay offical na i-remit ang nakuhang ayuda sa barangay at dito binawasan ang kanyang cash aid ng ₱8,500 at natira lang sa kanya ay ₱1,500.
Dahil dito, agad iniutos ni Sec. Gatchalian kay Davao Regional Director Vanessa Goc-ong na samahan ang biktima at maging co-complainant sa ihahaing administrative at criminal complaint laban sa barangay official ngayong araw.
Kasunod nito, pinaalalahanan ng kalihim ang lahat ng benepisyaryo na ang kanilang natatanggap na cash grants ay para lamang sa kanila at hindi dapat makihati rito ang sinuman lalo na ang kawani ng gobyerno.
Hinikayat din nito ang sinumang nakaranas ng kaparehong insidente na i-report ito sa DSWD.
“We are calling on all beneficiaries to never allow anybody to give their cash grants to them. Their grants are for them. And if somebody tries to get it, what they should do is report to the DSWD rather than give the cash grant,” pahayag ni Gatchalian. | ulat ni Merry Ann Bastasa