Sabay-sabay ding binigkas ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang panata sa Bagong Pilipinas alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito’y sa isinagawang flag raising ceremony ngayong araw sa Kampo Crame na pinangunahan ni Deputy Chief PNP for Administration, Police Lt. Gen. Emmanuel Peralta.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, hindi nakadalo rito si PNP Chief Police Gen. Rommel Francisco Marbil dahil sa mahahalagang lakad na naka-iskedyul dito.
Gayunman, matapos ang Pambansang Awit at Panatang Makabayan, gayundin ang PNP Officer’s Pledge ay tanging ang Panata sa Bagong Pilipinas ang sinambit at hindi pa inawit ang himno nito.
Panghuli ay inawit ang himno ng PNP na siyang hudyat ng pagtatapos ng isinagawang flag raising ceremony.
Maliban sa punong tanggapan sa Kampo Crame ay sabayang binigkas din ang Panata ng Bagong Pilipinas sa mga himpilan ng Pulisya sa buong bansa. | ulat ni Jaymark Dagala