Kasabay ng National Kidney Month ngayong Hunyo, nanawagan si Quezon City Rep. Marvin Rillo na magkaroon ang mga pampublikong ospital ng mas malaking HFEP o Health Facilities Enhancement Program fund para madagdagan ang kanilang outpatient hemodialysis units.
Sa gitna aniya ng tumataas na bilang ng mga Pilipino na nagkakasakit sa bato, mahalaga na madagdagan ang hemodialysis units upang mas maraming pasyente ang makapagpagamot.
Kailangan aniya tiyakin ng mga pampublikong ospital na mabigyan ng access ang mga Pilipino na may sakit sa bato sa gamutan upang makapamuhay pa rin ng maayos.
Paalala ng mambabatas na isa ang CKD o chronic kidney disease sa pangunahing sakit at sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas.
Ang mga CKD patient ay kailangan sumailalim sa dialysis tatlong beses sa isang linggo.
“Public hospitals must guarantee Filipinos living with CKD ready and uninterrupted access to hemodialysis treatment to assure them a superior quality of life,” giit ni Rillo. | ulat ni Kathleen Forbes