Hindi nagustuhan ng Justice Reporter’s Organization o JUROR ang ginawang pananakit ng ilang myembro ng grupong Manibela sa isang radio reporter sa kasagsagan ng coverage kaninang umaga.
Sa statement ng JUROR, kinondena nito ang ginawang pagsuntok kay DZRH Reporter Val Gonzales habang ibinabalita nito ang rally ng Manibela sa harap ng LTFRB sa East Avenue Quezon City.
Sa kanyang reklamo sa Station 10 ng Quezon City Police District, sinabi ni Gonzales na nakaranas siya ng panununtok, paggitgit at pagkulog sa hindi bababa na sampong myembro ng Manibela.
Sa oananaw ng radio reporter, may basbas ang lider ng Manibela na si Mar Valbuena para sya ay saktan ng myembro nito.
Para sa JUROR, isang uri ng pagsikil sa malayang pamamahayag ang ginawa ng Manibela laban sa DZRH reporter.
Dahil dito, umaapela ang grupo sa mga awtoridad na imbestigahan ang nangyari at papanagutin ang mga myembro ng Manibela na nanakit kay Gonzales. | ulat ni Michael Rogas