Pinangunahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pormal na pagbubukas ng “Pampamahalaang Programa at Serbisyo” sa Liwasang Rizal, Maynila bilang paggunita sa ika-126 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, layon ng programang ito na mailapit sa mamamayan ang mga serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni MMDA Acting Chair Atty. Don Artes ang kahalagahan ng pagtitipon na ito upang mabigyan ang publiko ng pagkakataong makinabang sa mga pangunahing serbisyo na handog ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Nasa 39 na ahensya ng gobyerno at dalawang non-government organizations ang lumahok sa dalawang araw na aktibidad.
Tampok sa booth ng MMDA ang libreng registration para sa Motorcycle Riding Academy, mobile earthquake simulator, kampanya laban sa paninigarilyo, solid waste management at iba pa.
Ang Pampamahalaang Programa at Serbisyo ay isang taunang aktibidad na nilalahukan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang isulong at mapadali ang pag-access ng publiko sa mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan. | ulat ni Diane Lear