Isang malaking hakbang tungo sa modernisasyon at pagpapabilis ng mga serbisyo ng gobyerno ang opisyal na paglulunsad ng Digital National ID.
Pinangunahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang paglulunsad na ito, kasama ang National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ngayong araw.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio M. Balisacan, ang Digital National ID ay magiging susi sa pagpapatupad ng mga estratehiya ng pamahalaan na nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Malaki aniya ang maitutulong nito sa pagpapabilis ng pagbibigay ng mga benepisyo sa mga mamamayan lalo na sa mga magsasaka, mangingisda, estudyante, at mga biktima ng kalamidad.
Bukod sa Digital National ID, inilunsad din ng PSA ang National ID eVerify at National ID Check systems.
Sa pamamagitan ng mga sistemang ito, inaasahan ng pamahalaan na mas mapapabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko, mapapalawak ang financial inclusion, at madadagdagan ang mga oportunidad para sa pamumuhunan at paglago ng ekonomiya. | ulat ni Diane Lear