Iminungkahi ni Iloilo Representative Raul Tupas na i-utilize ang marine hatcheries sa state universities and colleges (SUCs) upang matulungan ang mga mangingisda na apektado ang kabuhayan tuwing may sama ng panahon.
Ayon sa mambabatas, upang masiguro na may pagkakakitaan pa rin ang mga mangingisda sa Western Visayas at MIMAROPA ay dapat na suportahan ng BFAR ang pagtatatag at operasyon ng marine hatcheries.
Inihalimbawa nito ang marine hatcheries sa Northern Iloilo State University.
Sabi ni Tupas, kung mas marami ang marine hatcheries ay makatutulong ito sa pagtugon sa suplay ng isda na magrereslta sa pagbaba ng inflation.
“Having marine hatcheries on campuses of state universities ensures the continuing operation of the hatcheries with the institutional support and technical support systems already present in the SUCs.” ani Tupas
Dagdag pa nito, na kailangan ng dagdag na hatcheries sa western side ng bansa dahil mas lantad ito sa southwest monsoon habang ang nasa Pacific side naman ay madalas bagyuhin.
Maliban dito makakasuporta rin aniya ang hatcheries sa panahon ng fishing ban mula Setyembre hanggang Marso.
Maaari din aniya itong alternatibo para sa mga mangingisda na apektado ang kabuhayan dahil sa tensyon sa West Philippine Sea. | ulat ni Kathleen Forbes