Tuloy lang ang protesta.
Ito ang payo ni House Deputy Speaker at Batangas Representative Ralph Recto matapos ang isa na naman insidente ng pangha-harass ng China sa ating Coast Guard na nagpapatrolya sa Ayungin Shoal.
Para sa mambabatas, mahalaga na ipagpatuloy ng Pilipinas ang paghahayag nito ng protesta laban sa China.
Hindi man aniya ito pakinggan ng naturang bansa ay tiyak naman na naririnig ito ng buong mundo.
Ambag na rin aniya ito ng Pilipinas sa iba pang mga bansa na nakararanas ng panggigipit ng China.
Plano ng Department of Foreign Affairs na maghain ng panibagong diplomatic protest China dahil sa insidente sa Ayungin Shoal.
“Even if we have to wallpaper the Great Wall with diplomatic protests, we should continue because once we show any sign of wavering, it normalizes China’s misbehavior inside our territory. Kahit bingi sila, we have to blow our whistle again and again. At least, the whole world would hear. Yung pagprotesta natin, ng pamahalaan man o ng mamamayan, ay parang burglar alarm that goes off when it is tripped. Ang masama ay if we turn it off. Tuloy-tuloy lang,” pahayag ni Recto.
Dagdag pa ng Batangas solon na ipagpatuloy lamang din ng pamahalaan ang pagpapatrolya sa karagatan na tayo naman ang may-ari.
Hanggang nitong Pebrero, nasa 75 note verbal na ang naihain ng Marcos Jr. administration laban sa China. | ulat ni Kathleen Jean Forbes