Normal ang sitwasyon sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa kabila ng transport strike ng grupong MANIBELA.
Maraming mga jeep ang hindi punuan dahil humupa na ang morning rush hour.
Karamihan din ng mga bumibyaheng jeepney driver ay bahagi na ng kooperatiba kaya hindi na nakisali pa sa tigil-pasada.
Maging ang mga pasahero, sinabing hindi naman sila nahirapang sumakay kahit kahapon.
Ayon naman kay Quezon City Traffic and Transport Management Department (TTMD) OIC Dexter Cardenas, walang naging epekto ang strike ng MANIBELA sa mga kalsada sa QC dahil walang naparalisang biyahe ng pampasaherong jeepney.
Paliwanag nito, nagkaroon lang ng matinding trapiko noong umaga sa paligid ng East Avenue, Elliptical Road, Commonwealth Avenue, Quezon Avenue, Kalayaan Avenue, Visayas Avenue, North Avenue, Timog Avenue, Kamuning Avenue, at Kamias Avenue dahil sa pagharang nila sa kalsada.
Una nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi uubra ang panibagong transport strike ng grupong MANIBELA kontra PUV Modernization Program. | ulat ni Merry Ann Bastasa