Binigyang-diin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, na hindi iligal o irregular ang kautusang ibinaba ng Malacañang tungkol sa pagmamandato ng Bagong Pilipinas hymn at pledge tuwing flag ceremony sa lahat ng mga national agencies at instrumentalities.
Tinutukoy nito ang Memorandum Circular no. 52 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong June 4 sa awtoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Estrada, layon nitong magtaguyod ng kultura ng good governance at progresibong pamumuno sa lahat ng lebel ng gobyerno.
Paliwanag ng senador, wala itong pinagkaiba sa pagkanta ng Senate, school, at university hymns na isang paraan para ipaalala ang pagiging makabayan at pagkakaisa ng mga Pilipino.
Una na ring sinabi ni Senate President Chiz Escudero na wala siyang problema sa naturang kautusan ng Malacañang.
Ito kahit pa aniya hindi awtomatikong sakop ng kautusan ang Kongreso, Korte Suprema, at mga Constitutional Commissions. | ulat ni Merry Ann Bastasa