Pinaalis na ng Bureau of Immigration sa bansa pabalik ng Japan ang isang lalaking Hapon na pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na “Luffy’ gang.
Ang naturang grupo ay isinasangkot sa maraming kaso ng pagnanakaw at panloloko sa kanilang bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang 54-taong gulang na si Takayuki Kagoshima at ang team ng Japanese police escorts ay sumakay sa Japan Airlines flight na biyaheng Narita, Tokyo kung saan umalis ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong araw bandang 10 am.
Paliwanag ni Tansingco, si Kagoshima ay ang pampitong ‘suspected member’ ng ‘Luffy’ gang na napa-deport ng BI simula nang mai-report sa kanilang ahensya ang presensya ng mga ito sa bansa.
Dahil dito ay tiniyak ni Tansingco na magpapatuloy ang kanilang kampanya para tugisin at ipa-deport ang sino mang dayuhang pugante na nagtatago sa bansa.
Hindi aniya hahayaan ng BI na maging kanlungan ng mga wanted na kriminal sa ibang bansa ang Pilipinas. | ulat ni Lorenz Tanjoco