Maliban sa tuluyang pagbabawal, nais ng Makabayan bloc na gawing isang krimen ang operasyon ng POGO sa bansa.
Sa paghahain ng House Bill 10525, sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, ilang taon matapos pahintulutan ng Duterte administration ang operasyon ng POGO ay nagdulot ito ng problema sa lipunan gaya na lamang ng pagkakasangkot sa kidnapping at torture.
Giit pa ni Castro, dahil sa pinagtibay na batas na nagpapataw ng buwis sa POGO ay tila naging ligal na ang operasyon nito sa Pilipinas.
Ngunit hindi naman aniya matukoy kung tunay na nagbabayad ng buwis ang nasa 48 legal na POGO company sa bansa.
Maliban pa aniya ito sa pagiging potensyal na banta ng POGO sa ating national security.
Umaasa naman si Castro, na magkakaroon din ng malinaw na posisyon ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ukol dito.
Mas mainam kasi aniya kung sa presidente na mismo manggaling ang pagbabawal sa operasyon ng POGO.
Positibo naman ang mambabatas, na dahil sa mga isyung lumabas dahil sa POGO lalo na ang pagkakasangkot ng mga lokal na opisyal ay makikita ng liderato ng Kamara ang pangangailangan na kagyat na itong pagtibayin.
Nakapaloob sa Anti-POGO Act ang pagbawi sa lahat ng lisensyang iginawad para sa operasyon ng POGO.
Ipagbabawal na rin ang pagbibigay ng work permit at visa para sa offshore gaming.
Kabilang naman sa ipapataw na parusa ang 4 to 6 years na pagkakakulong at multang P100,000 hanggang P300,000 sa unang offense; 6 ot 8 years at multa na P200,000 hanggang P500,000 sa second offense; at 7 to 10 years na pagkakabilanggo at multang aabot ng hanggang P10 million sa ikatlong paglabag. | ulat ni Kathleen Forbes