Nais ni Bicol Saro party-list Rep. Brian Yamsuan na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga dayuhan na iligal na nagta-trabaho sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill 1279, mula sa kasalukuyang P10,000 ay itataas na sa P50,000 ang multa kada taon ng iligal nitong pagtatrabaho.
Kasunod ito ng pagkakahuli sa 37 Chinese nationals na nagpapatakbo ng iligal na retail at rastaurant sa Parañaque City.
Tinukoy pa ng mambabatas na mismo ang Senado ay may resolusyon para imbestigahan ang reklamo ng ilang Multinational Village homeowners sa Baranggay Moonwalk sa biglang pagdagsa ng Chinese nationals na sangkot sa iligal na POGO.
Ayon kay Yamsuan, bukas naman ang Pilipinas sa mga foreign national na nais magtrabaho basta’t may valid na employment permit, ngunit ibang usapan na aniya kung banta na sila sa ating seguridad.
“We certainly welcome foreign nationals in our country if they have valid employment permits (EPs) and if they do not compete with our equally, and at most times better, skilled workforce. But we should draw the line when it comes to foreigners who not only work here illegally, but also pose a threat to the peace and order in our communities,” ani Yamsuan.
Nakapaloob sa panukala na ang isang non-resident foreign national na makakakuha ng EP at nais lumipat ng trabaho ay kailangan muna kumuha ng approval mula sa DOLE.
Kung mabibigo ay papatawan ito ng multa ng P50,000 hanggang P100,000 at pagkakakulong na anim na buwan hanggang anim na taon.
Maging ang kaniyang employer ay mahaharap sa kaparehong parusa.
Matapos na pagsilbihan ang kulong ay agad ding ipapadeport ang illegal foreign worker.
Ang isang employer na mapatutunayang kumuha ng foreign national para iligal na magtrabaho sa bansa ay papatawan ng P100,000 hanggang P200,000 na multa at posibleng maharap sa suspension o closure order ang operasyon ng kaniyang negosyo.
Malinaw din na nakasaad sa panukala na tanging ang DOLE ang may awtoridad na mag-issue ng mga EP sa foreign workers sa mga enterprise na nakarahistro bilang preferred areas of investment o designated economic zones.
Kailangan din na ang naturang foreign national ay makapagpasa ng kaalaman sa dalawang Pilipino kung saan sila nagtatrabaho.
Kailangan din na magkaroon registry of foreign nationals ang DOLE kung saan nakasaad ang status ng kanilang empleyo at ibinigay na EP sa kanila.| ulat ni Kathleen Forbes