Umapela si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., sa mga awtoridad na gawing mabilis ang imbestigasyon at pag-aksyon kaugnay ng natuklasang pinaghihinalaang uniporme ng Chinese army o People’s Liberation Army (PLA) sa na-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Revilla, hindi maiiwasang makaramdam ng pagkaalarma sa natuklasang ito.
Kaya naman sinabi ng senador na kung talagang banta ang natuklasang PLA uniform sa seguridad ng bansa ay dapat aksyunan ito agad ng mga kinauukulan.
Muli ring iginiit ng mambabatas ang kanyang posisyon kaugnay ng mga POGO na hindi dapat pahintulutan ang kriminalidad at kawalan ng batas sa mga POGO hub.
Iginiit ni Revilla na hindi dapat pumayag ang bansa na gamitin ng masasamang loob ang kanilang POGO license para gumawa ng katiwalian.
Nagpahayag rin ng suporta ang senador sa lahat mga hakbang ng gobyerno para masawata ang mga ilegal na POGO.
Binigyang diin nito na ang national security, kapakanan at kaligtasan ng mga Pilipino ang dapat na laging i-prayoridad. | ulat ni Nimfa Asuncion