Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga taga-suporta ni Pastor Apollo Quiboloy na galangin ang ligal na proseso at batas ng bansa.
Ito’y matapos na sabayang ipatupad ng PNP noong Lunes ang pagsisilbi ng arrest warrant laban kay Quiboloy at lima pang indibidwal sa tatlong lokasyon na pinaniniwalaang madalas puntahan ng kontrobersyal na lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Sa isang statement, tiniyak ng PNP na ang pagsisilbi ng warrant sa KOJC compound sa Buhangin District, sa 25-ektaryang Glory Mountain sa Barangay Tamayong, at sa katabing 50-ektaryang Prayer Mountain ay ginawa ng may koordinasyon sa mga lokal na opisyal.
Iniulat naman ng PNP na walang nasaktan sa naturang operasyon, na ipinatupad alinsunod sa PNP Operational Procedures Manual, kung saan pinapahalagahan ang karapatang-pantao.
Umapela naman ang PNP kay Quiboloy na mapayapang sumuko at harapin ang mga kaso laban sa kanya. | ulat ni Leo Sarne