Handa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na umalalay sa Philippine National Police (PNP) para tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga Pilipino ngayong ika-126 na anibersaryo ng Kalayaan ng bansa.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, bahagi ito ng kanilang committment na siguruhing ligtas at mapayapa ang taunang okasyon na ito.
Una nang inihayag ng PNP na aabot sa mahigit 11,000 tauhan nito ang ipinakalat sa iba’t ibang panig ng bansa upang bantayan ang mga isasagawang programa na may kinalaman sa Araw ng Kalayaan.
Makikiisa rin aniya ang AFP sa mga nakalatag na programa upang imulat ang mga Pilipino sa mayamang kasaysayan gayundin ng kultura ng bansa.
Sa kaniya namang mensahe, binigyang-diin ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr na nananatiling determinado ang AFP na gampanan ang kanilang tungkuling ipagtanggol ang bansa at mga Pilipino.
Tiniyak din ng AFP na mananatili itong tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin na magbigay serbisyo sa publiko, pakikiisa sa bayan, katapatan sa watawat, gayundin sa Saligang Batas para sa paglikha ng isang malakas na Pilipinas. | ulat ni Jaymark Dagala