Patuloy ang paghimok ng pamahalaang lungsod ng Pasay sa mga residente nito na makalahok sa Independence Day Job Fair nito na may titulong “Trabaho para sa Pasayeño: 2024 Kalayaan Job Fair.”
Ginaganap ito ngayong araw hanggang mamayang alas-3 ng hapon sa Music Hall ng SM Mall of Asia, Lungsod ng Pasay.
Mahigit 10,000 job vacancies ang naghihintay sa mga Pasayeñong naghahanap ng trabaho mula sa 60 partner companies.
Magbubukas din ang mga One-Stop-Shop ng mga government services tulad ng NBI, SSS, PAG-IBIG, PhilHealth, PSA, DMW, at OWWA.
Pinapayuhan ang mga interesadong aplikante na i-scan ang QR code para makasali. Magdala ng updated resume, sariling ballpen, at angkop na kasuotan para sa interview at posibleng maging Hired On-The-Spot (HOTS).
Ang programang ito at bahagi ng H.E.L.P. Priority Agenda ni Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano at pagdiriwang ng ika-126 Araw ng Kalayaan.
Sa pahayag naman ni Rubiano, umaasa ito na ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay magpapaalala ng kabutihang dulot ng kasarinlan para sa kinabukasan ng bayan at pagpapahalaga sa kasaysayan.
Ang hamon aniya ng kalayaan ay may dulot na karapatan, ngunit may kaakibat na tungkulin at responsibilidad sa sarili, sa kapwa, sa batas, at sa bansa. | ulat ni Lorenz Tanjoco