Ipinaalala ni Speaker Martin Romualdez sa mga Pilipino na may kaakibat na reponsibilidad ang tinatamasa nating kalayaan.
Sa kaniyang mensahe sa pagdiriwamg ng ika-126 na anibersaryo ng proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas sa Barasaoin Church sa Malolos, Bulacan, sinabi niya na hindi lamang natin ginugunita ang kabayanihan ng ating mga bayani at ninuno kundi tinatanggap din ang hamon na kanilang iniwan.
Bilang mga Pilipino sa makabagong panahon, ay may tungkulin aniya tayong ipagpatuloy ang laban para sa kalayaan—hindi lamang laban sa mga mananakop, kundi laban sa kahirapan, katiwalian, at kawalan ng katarungan.
Kinilala din ng House leader ang mahalagang palel ng Barasoain Church kung saan isinilang ang Unang Republika ng Pilipinas, na kauna-unahang demokratikong republika sa Asya at ang pagtatatag ng Kongreso kung saan naganap ang kauna-unahang sesyon ng ating lehislatura.
“Ang mga sakripisyo at kabayanihan ng ating mga ninuno dito sa Barasoain ay isang paalala sa atin ng tunay na diwa ng kalayaan. Sa kanilang tapang at determinasyon, natamo natin ang ating kalayaan. Sila ang nagbigay ng daan upang tayo ay mamuhay nang malaya at marangal…Sa araw na ito, hindi lamang natin ginugunita ang kanilang kabayanihan kundi tinatanggap din natin ang hamon na kanilang iniwan. Ang kalayaan ay hindi lamang isang pribilehiyo kundi isang responsibilidad,” sabi ni Romualdez.
Kasabay nito, tinuran din ng House Speaker na ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa ating makulay na kasaysayan kundi pagkakataon din para magkaisa sa pagbuo ng isang mas maunlad at makatarungang lipunan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes