Dinepensahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang Philippine National Police (PNP) sa pagsisilbi nito ng warrant of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City.
Sa panayam ng media sa kalihim sa pagdalo nito sa Independence Day Celebration sa Caloocan, sinabi ni Secretary Abalos na maximum tolerance ang ipinatupad ng Pulisya.
Ginawa lamang din aniya ng PNP ang tungkulin nito na hanapin si Quiboloy na isang wanted at may kinahaharap na patong patong na kaso sa korte.
Ayon pa sa kalihim, dahil sa mga dating pahayag ni Quiboloy na hindi ito magpapahuli ng buhay kaya naghanda ang hanay ng pulisya sa posibleng banta sa kanilang seguridad.
Wala naman aniyang nasaktan sa nangyari at katunayan, mga pulis pa ang nabiktima ng water cannon ng grupo ni Quiboloy.
Kasunod nito, muling nanawagan ang kalihim kay Quiboloy na sumuko na at patunayang siya ay inosente laban sa mga kaso.
Nangako rin ito na hindi hihinto ang PNP hanggang sa matunton ang kinaroroonan ni Quiboloy. | ulat ni Merry Ann Bastasa