Nagbabala si House Speaker Martin Romualdez sa mga POGO stakeholder na manangot sila oras na lumabag sa batas.
Ito ang tugon ng House leader nang matanong kung suportado ba nito ang panawagan na ipagbawal na ang operasyon ng POGO sa bansa.
Aniya, wala naman problema kung susunod at tatalima sila sa batas.
“Basta dapat lahat ng stakeholders diyan sumunod sa batas at sa mga lumabag sa batas, lagot po kayo sa ating mga law enforcers. Kaya ‘yung mga bawal na ginagawa ninyo talagang huhilihin po kayo kaya dapat po sumunod na lang kayo sa batas para hindi kayo magkakaproblema,” sabi ni Romualdez.
Pagdating naman sa panukala para tuluyan nang ipagbawal ang operasyon ng offshore gaming, sabi ng House Speaker, titimbanging mabuti ang posisyon ng bawat panig at dito ibabase ang magiging desisyon ukol sa operasyon nito.
“idadaan din ‘yan sa proseso sa mga hearing, papakinggan natin lahat ng mga stakeholder kung ano ang mga posisyon nila dito at doon natin ititimbang kung ano ang pinakamagandang gawin natin,” sabi pa ni Romualdez.
Una nang inaprubahan ng Committee on Games and Amusement ang panukala para tuluyang ipagbawal na ang POGO. | ulat ni Kathleen Jean Forbes