Itinuturing ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro bilang “national security concern” ang operasyon sa bansa ng mga Philippine Offshore Gaming Operator o POGO.
Sa inilabas na pahayag ng DND ngayong araw, sinabi ng kalihim na ito ay dahil sa mga sindikatong kriminal na nagpapanggap na mga POGO.
Paliwanag ng kalihim, ang lehitimong POGO ay dapat nag-ooperate ng online-betting para lang sa mga dayuhan sa ibang bansa; pero ang ginagawa aniya ng mga sindikato na nagpapanggap na POGO, ay sa loob ng Pilipinas kumukuha ng mga taya.
Giit ng kalihim, kailangang ipatigil ang “syndicated criminal activities” na nag-ooperate sa loob ng bansa dahil bukod sa pinapahina nito ang financial standing, at country rating ng Pilipinas ay kino-korap nito ang lipunan.
Sa ngayon aniya ay pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang mga ebidensya na nakuha sa POGO raid sa Pampanga at Tarlac kaugnay ng iligal na aktibidad ng mga ito. | ulat ni Leo Sarne