Ganap na alas-8 ng umaga, iwinagayway ang watawat ng Pilipinas sa makasaysayang Aguinaldo Shrine sa Kawit Cavite.
Matatandaang 126 na taon na ang nakakaraan o noong June 12, 1898 ay sa naturang dambanang ito unang iwinagayway ang watawat ng Pilipinas bilang senyales ng Kalayaan ng Pilipinas.
Si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang panauhing pandangal sa programang ginanap sa Kawit.
Alas-7 ng umaga nagsimula ang socio-civic parade na dinaluhan ng iba’t ibang grupo at organisasyon sa Cavite.
Pinangunahan rin ni Revilla ang pag-aalay ng bulaklak sa libingan ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo at matapos nito ay itinaas na ang watawat ng Pilipinas sa balkonahe ng makasaysayang tahanan ng mga Aguinaldo.
Sa kanyang maikling pananalita ay binigyang diin ng mambabatas ang kabayanihang ipinamalas ng mga pinagpipitagan na ninuno sa bansa, na naging dahilan ng kalayaan ng Pilipinas mula sa kamay ng mga mananakop na kahit kailanman ay hindi matatawaran at hindi makalilimutan.
Binigyang diin ng senador, na ang katatagan at determinasyon ng mga Pilipino sa pagharap sa mga pagsubok ang naging dahilan para makamit natin ang minimithing kalayaan.
Giniit rin ni Revilla, na dapat bigyang halaga ang pagpapaalala sa mga Pilipino ng mga nakaraang pinagdaanan para sa kalayaan at ang patuloy na pagbibigay ng proteksyon sa Kalayaang ito.
Ito lalo na aniya sa harap ng mga sumusubok ngayon sa soberanya ng ating bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion