Naglabas ng opisyal na pahayag ang Department of Education (DepEd) bilang tugon sa mga paratang ng pagkaantala sa paghirang ng mga miyembro ng Teacher Education Council (TEC) Secretariat.
Ayon sa DepEd, prayoridad nila ang kalidad ng edukasyon ng mga guro at patuloy ang kanilang pagsisikap na mapabuti ito.
Pinangunahan umano ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang maraming pagpupulong ng TEC upang talakayin ang proseso ng pagpili at paghirang ng mga kwalipikadong indibidwal na bubuo sa Secretariat.
Dagdag pa ng DepEd, naisumite na rin sa Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang organizational structure at staffing pattern (OSSP) ng TEC Secretariat noong Marso 25, 2024. Inaprubahan naman ito ng DBM noong Mayo 21, 2024.
Kahapon naman natanggap na ng DepEd ang pisikal na kopya ng Notice of Organization, Staffing and Compensation Action (NOSCA) sa pamamagitan ng Office of the Undersecretary for Human Resource and Organizational Development (OUHROD).
Iginiit ng DepEd na nauunawaan nila ang kahalagahan ng mga appointment na ito para sa pag gana ng TEC at ang mas malawak na layunin na mapahusay ang edukasyon at pagsasanay ng mga guro.
Tiniyak din ng ahensya na ang mga appointment ay makukumpleto sa lalong madaling panahon at alinsunod sa mga umiiral na alituntunin. | ulat ni Diane Lear