Nais ni House Committee on Civil Service and Professional Regulation Chair Kristine Alexie Tutor na magkasa ng mga review classes para sa mga contractual employee sa pamahalaan na hindi pa rin nakapasa sa Civil Service Examination.
Kasabay ito ng pagkabahala sa mababang passing rate sa katatapos lang na CSC exams kung saan 17% lang ang passing rate.
“I cannot avoid lamenting the dismally disappointing passing rate of 17% for both the professional and sub-professional exams because 17% passing means 83% or roughly 5 of 6 failed the exams,” sabi ni Tutor.
Aniya, kailangan ng tutorial at review classes lalo na para sa mga contractual employees sa pamahalaan upang masiguro na makapasa na sila sa susunod.
Lalo na at lumabas sa resulta na marami sa hindi pumasa ang hirap sa Math, English grammar, at Abstract reasoning.
Pinasisilip din ng lady solon sa CHED kung ang mga bagong graduate ay nakakapasa sa CSC exam.
Ito ay para masiguro na nakukuha nila ang angkop na edukasyon para makapasa sa pagsusulit. | ulat ni Kathleen Jean Forbes