Nais ngayon ng isang mambabatas na palakasin pa ang proteksyon sa mga Pinoy seafarer partikular mula sa ambulance chasers.
Ang ambulance chasers ay mga labor lawyer na ine-exploit ang mga marino o seafarer para maghain ng money claims complaint sa manning agencies.
Giit ni KABAYAN Party-list Representative Ron Salo, bagamat ikinalulugod nito ang makasaysayang ratipikasyon ng Magna Carta of Filipino Seafarers kailangan pa rin ng panukala laban naman sa ambulance chasing.
Kadalasang ginagawa ng “ambulance-chasing labor lawyers” ay naghahanap ng mga seafarer at aalukan ng tulong na legal para sampahan ng kasong sibil ang mga manning company.
Sa kaniyang House Bill 10495, aamyendahan ang kasalukuyang Seafarers Protection Act upang maisama ang bagong section ukol sa Execution of Judgment and Monetary Awards.
Sa ilalim nito isasama ang Department of Labor and Employment (DOLE), National Labor Relations Commission (NLRC), National Conciliation and Mediation Board (NCMD), at Department of Migrant Workers (DMW) sa paglalatag ng panuntunan para sa isang patas at mabilis na paggawad ng monetary awards para salaries and wages, death and disability claims, at iba pang statutory benefits ng seafarers.
Diin ni Salo, hindi lang nito po-protektahan ang mga seafarer ngunit maging ang mga shipowner.
Tinukoy ng mambabatas na umabot na sa US$52.6 million ang unrestituted damages sa shipowners dahil sa ambulance-chasing. “When we address the concerns that affect the attractiveness of Filipino seafarers to foreign shipowners, more shipowners will be encouraged to engage more Filipino seafarers. Providing measures to disincentivize ambulance chasing will not only protect our seafarers from the exploitative acts of certain individuals but also ensure their attractability in the job market,” sabi ni Salo. | ulat ni Kathleen Forbes