Pumalo na sa P151 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura at pangisdaan dahil sa pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Batay sa Bulletin No. 3 ng Department of Agriculture (DA), aabot sa 5,583.3 metriko tonelada ng mga produktong pang-agrikultura ang nasira dahil ashfall at lahar flow.
Nasa 1,595.8 ektarya naman ng mga pananim na palay, mais, kamoteng kahoy, at mga high-value crop ang naapektuhan. May mga naiulat ding namatay na 118 alagang hayop.
Sa kabila nito, tiniyak ng DA na patuloy ang kanilang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong magsasaka at mangingisda. Kabilang sa mga ibibigay na tulong ay mga binhi, pataba, at mga pautang.
Mayroon na ring itinalagang dalawang evacuation centers para sa mga alagang hayop sa Negros Oriental.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa DA DRRM Operations Center o sa mga tanggapan ng DA sa Western at Central Visayas. | ulat ni Diane Lear