Tuloy pa rin ang pagpapatayo ng bagong gusali ng Senado sa Taguig City.
Ito ang inihayag ni Senate Committee on Accounts Chairperson Senador Alan Peter Cayetano sa kabila ng unang sinabi ni Senate President Chiz Escudero na magsasagawa ng rebyu sa gastos sa konstruksyon ng gusali.
Paliwanag ni Cayetano, nai-bid na ang phase 1 at phase 2 ng proyekto kay pwede pang ituloy ang konstruksyon nito.
Aniya, ang phase 3 lang muna ng proyekto na pinaglaanan ng dagdag na P10 bilyon ang ipapatigil at rerepasuhin.
Sinabi ng senador na nais nilang malaman kung tama ang dagdag halaga na hinihingi para sa bagong Senate building at kung tama ang konstruksyon at sukat ng mga opisina para sa mga ookupang opisyal at mga empleyado ng Senado.
Kukuha aniya sila ng mga tao na may sapat na kasanayan para matulungan sila sa gagawing rebyu ng proyekto.
Umapela rin ang mambabatas sa publiko na iwasan muna ang paghahaka-haka sa usapin at hayaan munang matapos ang ikakasa nilang rebyu para makakalap ng factual na mga impormasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion