Hinikayat ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Senado na pagtibayin na ang panukalang batas na nagtatakda ng sea lanes ng Pilipinas at panuntunan sa pagdaan ng mga dayuhang sasakyang pandagat at panghimpapawid.
Kasunod ito ng pagdaan ng barko ng China sa Basilan Strait.
Bagamat sinabi na ng AFP na ‘innocent passage’ ang ginawang pagbaybay ng dalawang barko ng China sa Basilan Strait, nanindigan si Rodriguez na kailangan na ng batas upang maiwasan ang panghihimasok ng Chinese ships at iba pang foreign vessel at aircraft sa ating teritoryo.
“We should take all measures to protect our nation’s territorial integrity and sovereignty. The Chinese are not only intruding in the western part of our country but in the south as well,” sabi ni Rodriguez.
Sa ilalim ng panukala, maglalatag ng sistema ng archipelagic sea lanes kung saan pagdurugtungin ang coordinates ng:
Sea Lane 1- Philippine Sea-Balintang Channel-West Philippine Sea
Sea Lane 2- Celebes Sea-Sibutu Passage-Sulu Sea-Cuyo East Pass-Mindoro Strait-West Philippine Sea
Sea Lane 3- Celebes Sea-Basilan Strait-Sulu Sea-Nasubata S=Channel-Balabac Strait-West Philippine Sea.
Ipagbabawal din sa mga daraang sasakyan ang paggamit ng dahas o pagbabanta sa soberanya, integridad ng teritoryo o kalayaan ng Pilipinas gayundin ay labagin ang mga panuntunang inilatag ng United Nation.
Bawal din ang pangingisda, maritime bioprospecting, o pagsasaliksik sa marine resources ng bansa gayundin ang pagtatapon ng dumi sa marine environment.
Disyembre pa ng nakaraang taon nang aprubahan ng Kamara ang panukala.
Kaya umaasa si Rodriguez na sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa Hulyo ay matutukan na rin ito ng Senado. | ulat ni Kathleen Jean Forbes