Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez sa mga magsasaka sa lalawigan ng Quezon na tuloy-tuloy na suporta at pagbibigay ng benepisyo ng pamahalaan.
Sa kanyang pagharap sa Agriculture Convergence Event na ginanap sa Tiaong, Quezon, ipinakita rin ni Speaker Romualdez ang mataas na pagtingin nito sa mga magsasaka.
Paglalahad ng House leader, pinagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan na mapalago ang sektor ng agrikultura.
Isa rito ang National Food Authority (NFA) na tinutulungan ng Kamara na muling makapag-benta ng bigas na kanilang bibilhin direkta sa mga magsasaka sa ilalim ng panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL).
Ang inisyatiba at mga hakbang na ginagawa ng Kamara, ayon kay Speaker Romualdez ay tugon sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maitaas ang antas ng sektor ng agrikultura at mapaganda ang buhay ng mga Pilipino.
Nagkaroon din ng pamamahagi ng ayuda sa halos 4,000 magsasaka sa ilalim ng TUPAD na isang pagkilala sa kahalagahan ng sektor ng agrikultura na siyang naglalagay ng pagkain sa hapag ng pamilyang Pilipino.
“Hindi po nalalayo ang magsasakang Pilipino sa puso ng ating liderato. Kaya nga po’t nabuo ang ganitong mga convergence event,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Ibinalita rin ni Romualdez na nakikipagtulungan ang kanyang tanggapan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matulungan ang mga magsasaka ng Quezon sa ilalim ng Farmer’s Assistance for Recovery and Modernization (FARM) program.| ulat ni Kathleen Forbes