Pormal nang sinampahan ng kasong kriminal sa Quezon City Prosecutors Office ang dalawang lider ng grupong Manibela dahil sa isinagawang kilos protesta kamakailan sa lungsod Quezon.
Patong-patong na kaso ang isinampa ng Quezon City Police District laban kina Manibela Chairman Mario Valbuena at Regie Manlapig, presidente ng Manibela Bulacan/San Fernando, Pampanga area.
Kabilang dito ang paglabag sa B.P. 880 (Public Assembly Act of 1985), Article 155 ng Revised Penal Code (Alarm and Scandals), at Article 151 ng RPC (Resistance and Disobedience).
Hunyo 10-12 nang magsagawa ng kilos protesta ang grupo sa harap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board dahil sa kanilang pagtutol sa Public Utility Vehicle (PUV) phase-out program ng gobyerno.
Ang protesta ay nagdulot ng matinding abala sa publiko at motorista dahil sa umano’y mga panghaharang sa Commonwealth Avenue, East Avenue, at Quezon Avenue.
Wala rin silang maipakitang permit to rally mula sa pamahalaang lungsod.
Habang ginaganap ang protesta, kinuyog din ng ilang miyembro at pinagsusuntok ang isang mamamahayag habang inuulat ang mga kaganapan sa kalsada. | ulat ni Rey Ferrer