Nagbabala si dating health secretary at ngayon ay Iloilo Rep. Janette Garin sa publiko na hindi nakakagamot ng dengue ang siling labuyo.
Sa gitna ito ng pagkalat sa social media na nakakagaling umano ng dengue ang siling labuyo, bagay na una na ring itinanggi ng DOH.
“Itong siling labuyong kwentong ito, hindi talaga siya totoo pero dahil bumabalik nanaman ‘yung mainit, tag-ulan, kung anu-ano nanaman ang marketing strategy ng iba,” giit ni Garin.
Nilinaw din ng mambabatas na hindi gamot sa dengue ang tawa-tawa at virgin coconut oil bagkus ay nakakatulong lang para ibsan ang isang dengue patient.
“Ang nangyayari kasi sa Pilipinas, kapag mayroong herbal na nakikitaan ng anti-viral properties, gine-generalize na gamot sa dengue, sa HIV… Ayun ang nangyayari kaya nalilinlang ang taumbayan,” sabi pa ng mambabatas.
Tinukoy nito ang pag-aaral ng Acta Medica Philippina at inilabas na DOH AO 184 2004, kung saan sinasabi na maaaring makagaling sa lagnat ang tawa-tawa ngunit wala pang sapat na batayan na ito ay makakagamot ng iba pang sakit gaya ng conjunctivitis, ubo, diabetes, at dengue, pati malaria, gastritis, at diarrhea.
“Walang gamot ang dengue. Ang dengue kasi kagaya ng ibang mga viruses it’s a self-limiting illness, kusa siyang mawawala in one to two weeks. Critical ‘yung first week. The problem there is habang nandyan ang dengue at inaatake ang katawan ng tao, ‘yung iba hindi nagsu-survive, nagkakaroon ng bleeding,” aniya.
Payo nito na uminom ng maraming tubig kung may lagnat lalo na kung nakakaranas ng sintomas ng dengue at agad magpatingin sa doktor kung magpatuloy ang sintomas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes