Positibo si House Speaker Martin Romualdez na magkakasundo ang Kamara at Senado kaugnay ng panukalang amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL) matapos ang unang opisyal na pag-uusap nila ni Senate President Chiz Escudero.
Aniya, mas nagiging bukas ang dalawang kapulungan tungkol sa panukala at inaasahan na magkakaroon ng magandang resolusyon.
“Ongoing po at mukhang nagkakasunduan na ang House at ang Senate at mukhang malapit na. Matatapos din at magkakaroon tayo ng magandang resolusyon,” ani Romualdez sa isang panayam sa Agriculture Convergence Event sa Tiaong, Quezon.
Isa ang amyenda sa RTL sa nakikitang pangmatagalang solusyon ng Kamara para mapababa ang presyo ng bigas at patuloy pa ring masuportahan ang lokal na magsasaka.
Sabi ni Speaker Romualdez, nais ng Kamara na muling payagan ang National Food Authority (NFA) na makapagbenta ng bigas sa publiko.
“Marami pa po tayong mga kasama sa adhikaing mapalago ang ating sektor ng agrikultura. Nariyan ang NFA na tinutulungan namin sa Kamara de Representantes na muling makapagbenta ng bigas na kanilang binili sa inyo direkta sa ating mga kababayan,” ani Speaker Romualdez.
Dagdag pa ng lider ng Kamara na ang mga hakbang na ito ay bilang suporta sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapalakas ang sektor ng agrikultura at maiangat ang buhay ng mga magsasakang Pilipino.
Bahagi ng panukala ang pagbibigay kapangyarihan sa kalihim ng DA na magdeklara ng food security emergency kung magkakaroon ng kakapusan sa suplay na siyang magbibigay daan sa NFA upang magbenta ng bigas sa merkado.
Palalawigin din ng anim pang taon ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) kung saan mula P10 bilyon ay itataas sa P15 bilyon ang pondo na ilalaan sa mga programa para sa mga magsasaka. | ulat ni Kathleen Jean Forbes