Nais ni CIBAC Party-list Representative Eddie Villanueva na ilibre mula sa pagbabayad ng application o renewal fee sa pagkuha ng lisensya ang mga driver ng pampublikong sasakyan.
Naniniwala ang mambabatas na makatutulong ito sa public utility vehicle (PUV) drivers na madalas ay maliit lamang ang naiuuwing kita mula sa pamamasada.
Dagdag pa nito, na sa mga malalayong lugar ay may mga tricycle driver na walang professional driver’s license o expired ang lisensya, dahil mas inuuna nilang tustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Sakaling maisabatas ang House Bill 7796, hindi na sisingilin ng fee ang mga driver ng trucks-for-hire, UV express service, public utility bus (PUBs), public utility jeepney (PUJs), tricycle, filcab, at taxis sa pagkuha ng lisensya.
Kailangan lamang ipresinta ang sertipikasyon mula sa lokal na pamahalaan na ang aplikante ay PUV driver, at membership identification card na mula sa mga transport organization o tricycle operators and drivers association (TODA).
Hindi naman nito sakop ang mga driver sa ilalim ng Transport Networks corporations.
Kulong na anim na buwan at/o multa na P50,000 hanggang P100,000 ang ipapataw sa mga mamemeke ng dokumento para makakuha ng exemption. | ulat ni Kathleen Forbes