Inaasahang dodoble pa ang bilang ng mga makikilahok sa muling pag-arangkada ng Pride PH Festival sa darating na June 22, 2024 sa Quezon Memorial Circle.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ng PRIDE PH na pinakamalaking network ng LGBTQIA+ na mula sa higit 100,000 attendees noong nakaraang taon, posibleng pumalo sa hanggang 200,000 ang makilahok sa pinalakas na Love Laban 2 Laban sa Karapatan na bahagi ng selebrasyon ng Pride Month ngayong Hunyo.
Bukod sa mas pinalawak na Pride march, tampok rin dito ang Pride expo at Pride night kung saan inaasahang magtatanghal ang ibat ibang sikat na banda at personalidad.
Kasunod nito, tiniyak na ng QC LGU ang kahandaan nito para masigurong magiging maayos at ligtas ang naturang pride march.
Sa panig ng QCPD, inaasahang aabot sa 2,000 personnel nito ang tututok sa event partikular sa security measures at crowd control.
Sinabi naman ni QC Mayor Joy Belmonte na mananatiling safe place ang Quezon City para sa LGBTQIA+ community.
Ayon sa alkalde, ang aktibidad ay isang pagpupugay sa pagsisikap ng LGBTQIA+ community para wakasan ang mga pang-aabuso at diskriminasyon sa naturang hanay. | ulat ni Merry Ann Bastasa