Itinatakda na ni Senate Committee on Labor Chairperson Senador Jinggoy Estrada sa May 10 ang pagdinig tungkol sa panukalang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribado at iba’t ibang sektor.
Kabilang sa mga tatalakayin ang panukala ni Senate President Juan Miguel Zubiri na Php150 across-the-board wage hike sa buong Pilipinas.
Ayon kay Estrada, hindi man maihahabol kasabay ng Labor Day celebration ngayong taon ang panukalang legislated wage increase, makakaasa naman aniya ang publiko na gugulong na sa Senado ang mga panukalang inihain tungkol dito.
Kasama rin aniya sa mga tatalakayin ang panukalang amyenda sa Wage Rationalization Act, para taasan ang mga parusa sa mga hindi susunod sa mga itinakdang pagtaas at pagsasaayos ng wage rates ng mga manggagawa.
Iginiit ng senador, na ang pinakamainam na paraan para matulungan ang mga manggagawa ay ang pagkakaroon nila ng secured at permanenteng trabaho, kaya naman dapat lang na balansehin ang pangangailangan ng mga manggagawa at kapasidad ng mga employer na mapanatili ang kanilang mga empleyado at makagawa pa ng mas maraming trabaho.
Sinabi ni Estrada, na sa ikakasa nilang pagdinig ay pakikinggan ang lahat ng mga komento at suhestiyon mula a tripartite sectors: ang labor, employer at ang pamahalaan. | ulat ni Nimfa Asuncion