Itinutulak ngayon ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee na gawing 24/7 ang serbisyo ng gobyerno.
Sa kaniyang House Bill 10426 o 24//7 Frontline Government Service Act, ang mga matutukoy na ‘Zero Contact Services’ o mga serbisyo na maaaring gawin online ay magiging available 24 oras sa buong linggo.
Para naman sa mga serbisyo na kailangan ng face-to-face interaction, nais ng mambabatas na i-extend ang serbisyo ng hanggang Sabado mula 7AM hanggang 7PM.
Sa paraan aniyang ito ang mga Plipino na may pasok sa eskuwela o trabaho ay magkakaroon ng access sa serbisyo ng gobyerno na hindi kailangan lumiban.
Kailangan naman ayusin ng mga ahensya at tanggapan ang kanilang working arrangement para masiguro na may tatao sa online response team at pinalawig na working hours.
“Sa ganitong tuloy-tuloy na operasyon at serbisyo ng gobyerno, tataas ang ating productivity, mas marami nating kababayan ang matutulungan…Obligasyon ng gobyerno na pagaanin ang pasanin ng ating mga kababayan. Hindi tayo dapat maging manhid sa matagal nang problemang ito na kaya namang solusyonan na para hindi na maging pabigat sa trabaho o makabawas ng oras para sa pamilya ,” sabi ni Lee. | ulat ni Kathleen Forbes