Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na isasagawa ang search operations para sa nawawalang seafarer sa sandaling madala ang barko sa ligtas na daungan.
Ayon sa DMW, nakipagpulong si Ambassador Giovanni Palec ng Philippine Embassy sa Athens sa shipping principal ng MV Tutor.
Sinabi ng shipping principal na sisimulan ang search operations para sa nawawalang seafarer sa sandaling maihatid ang barko sa isang ligtas na daungan.
Nauna ng kinumpirma ng DMW na isang Filipino seafarer ang nawawala ng salakayin ng Houthi rebels ang naturang barko sa Red Sea.
Kahapon naman dumating sa bansa ang 21 sa 22 mga Filipino seafarer na nasagip sa MV Tutor.
Matatandaang ang mga rebeldeng Houthi, na sinasabing suportado ng Iran, ay nagsagawa ng sunod-sunod na pag-atake gamit ang mga drone at missile sa Red Sea at Gulf of Aden mula pa noong Nobyembre.
Ang mga pag-atakeng ito ay sinasabing ganti ng grupo sa digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas. | ulat ni Diane Lear