Binigyang diin ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na walang karapatan ang China na magpatupad ng kanilang domestic law sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng kalapit nilang mga bansa, kabilang na ang Pilipinas.
Reaksyon ito ng senador sa pagpapatupad ng China sa batas nilang mag-aaresto at magkukulong ng mga dayuhan na mangingisda sa pinaniniwalaan nilang bahagi ng kanilang teritoryo, kabilang na ang ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Sa pagbisita ni Tolentino sa Masinloc, Zambales kahapon, binigyang diin nitong ang pagtatakda ng China ng fishing ban at anti trespassing law sa South China Sea ay labag sa maraming international law, kabilang na ang mga humanitarian, human rights laws at UNCLOS.
Kahapon kinausap ng senador ang mga mangingisda ng Masinloc Zambales, kung saan karamihan ay nangingisda sa Scarborough shoal.
Pinahayag ni Tolentino ang pagkondena sa pagharang ng China sa mga mangingisdang Pinoy na mangisda sa kanilang traditional fishing grounds sa Bajo De Masinloc.
Samantala, hinikayat rin ng mambabatas ang BFAR na pag-aralan na ang iba pang posibleng alternatibong pagkakakitaan ng mga apektadong mangingisda sa gitna ongoing territorial dispute natin sa China. | ulat ni Nimfa Asuncion