Tinalakay sa isinagawang ikalawang bahagi ng Northern Mindanao Regional Development Council (RDC) Economic Development Committee Meeting ang sektor ng agrikultura sa rehiyon nitong Hunyo 13, sa Cagayan de Oro City.
Napagpasyahan ng lupon sa naturang pagpupulong ang iniindorso nilang suporta sa House Bill No. 9940 o ang panukalang batas sa Barangay Agricultural Extension Workers, na maaaring magbigay ng maayos na suporta sa mga magsasaka para sa mas mabisang produksyon ng agrikultura.
Kabilang din ang pagsasagawa ng Feasibility Study o posibleng pag-aaral sa Metropolitan Food and Agri-based Products Cluster (MFAPC), na naglalayong suriin kung paano mas lalong mapahusay ang sektor ng agrikultura na mapapakinabangan ng mga magsasaka at ng agri-business.
Ayon kay RDC-X EDC Chair at Iligan City Mayor Frederick W. Siao, ang mga hakbang na ito ay nakatakdang magdala ng makabuluhang benepisyo sa lungsod, at sa buong rehiyon ng Northern Mindanao.
Bukod sa agrikultura, tinalakay rin ang iba’t ibang usapin tulad ng pagpapasigla ng industriya at mga serbisyo, isulong ang kalakalan at pamumuhunan, research and development, teknolohiya, inobasyon, agarang aksyon sa klima, at palakasin ang katatagan ng kalamidad sa Northern Mindanao.| ulat ni Sharif Timhar| RP1 Iligan