Mariing kinondena ni OFW party-list Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino ang pagpatay sa Pilipinong marino at nangako na tutulong sa pagkamit ng hustisya.
Sa ulat ng White House, kinumpirma nito na ang nawawalang Pilipinong tripulante na lulan ng MV-Tutor na inatake ng Houthi rebels ay pinatay ng naturang rebeldeng grupo.
Apela pa ng kinatawan sa ating pamahalaan na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang maiuwi ang labi ng pinatay ng OFW at mabigyan ng angkop at disenteng libing.
“Lubos po ang aking pakikidalamhati sa mga naulila ng ating seafarer. Nakakailang atake na ang Huthi rebels sa mga cargo vessels na halos laging may lulan na mga Pinoy. Nakakalungkot na laging nadadamay ang mga kababayan natin, na nais lamang magtrabaho para sa pamilya, sa mga sigalot at acts of terrorism.”, sabi ni Magsino.
Kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay, nangako rin si Magsino na patuloy na isusulong ang mga lehislasyon para mabigyan ng proteksyon ang mga OFW.
Nanawagan din ito na palakasin ang mga bilateral labor agreements ng Pilipinas sa mga bansang high-risk ang ating mga OFW. | ulat ni Kathleen Forbes