Sinang ayunan ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagdulog ng Pilipinas sa United Nations (UN) para palawigin pa ang boundary ng West Philippine Sea (WPS).
Una na kasing nagsumite ng impormasyon sa Commission on Limits of the Continental Shelf ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa UN para sa extended continental shelf (ECS) sa West Palawan Region sa West Philippine Sea.
Ayon kay Gatchalian, magandang aksyon ito bilang alinsunod ito sa International Law at sa United Nations guidelines katulad na lang ng ginawa nating paglapit noon para sa arbitral ruling.
Hindi naman tiyak ng senador kung may kinalaman ang aksyong ito ng pamahalaan sa pinatupad na bagong polisiya ng China laban sa mga anila’y trespassers sa inaangkin nilang teritoryo sa West Philippine Sea.
Giit ni Gatchalian, may kinalaman man ito o wala sa pinatupad na polisiya ng China ay kailangang palaging ipakita ng Pilipinas na handa tayong sumunod sa International law at anuman ang ating hakbang ay nakabatay sa UN guidelines. | ulat ni Nimfa Asuncion