Inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang isang resolusyon na humihimok sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na magpasa ng ordinansa para sa maayos na pagkakabit ng mga telecommunication at electric wires.
Layon ng resolusyon na tanggalin ang mga nakalawit na kable at “spaghetti” wires sa mga kalye ng Metro Manila upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapaganda ang itsura ng mga lansangan.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, ang mga nakalawit na kable ay hindi lamang pangit tingnan, kundi nagdudulot din ng panganib sa mga motorista at pedestrian.
Nahihirapan din aniya ang Meralco na tanggalin ang mga kable dahil hindi nila matukoy kung alin ang mga hindi na ginagamit.
Sa ilalim ng resolusyon, ang bawat lokal na pamahalaan ay maaaring magpasa ng kanilang sariling ordinansa upang magsagawa ng imbentaryo ng mga kable, alisin ang mga hindi na ginagamit, at makipag-ugnayan sa mga kumpanya ng kuryente at telekomunikasyon upang matiyak na ang mga aktibong kable ay maayos na nakalagay at ligtas.
Ayon kay MMC President at San Juan City Mayor Francis Zamora, ang mga ordinansang ito ay makatutulong upang maiwasan ang mga aksidente at matiyak ang kaligtasan ng publiko.| ulat ni Diane Lear