Mariing kinukondena ng Department of Foreign Affairs ang panibagong insidente sa Ayungin Shoal kasabay ng isang humanitarian mission sa BRP Sierra Madre nitong June 17.
Giit ng DFA, tinutuligsa nito ang iligal at agresibong aksyon ng Chinese authorities na nagresulta sa pagkapahamak ng mga tauhan at pagkasira ng mga kagamitan ng Pilipinas.
Dagdag pa ng DFA na patuloy ang ginagawang pagsisikap ng bansa para muling buhayin ang isang maayos na pakikipagdayologo sa Tsina hinggil sa South China Sea.
Subalit paliwanag ng ahensya, hindi ito maisasakatuparan kung hindi naisasagawa ang mga binibitawang salita ng China.
Umaasa ang DFA na magiging tapat at responsable ang Tsina sa mga aksyon nito at tumigil sa mga hakbang nito na naglalagay sa alanganin ang buhay ng mga tauhan at kalagayan ng mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Kaugnay nito ay muling binigyang diin ng DFA ang panawagan nito sa China na sumunod sa international law partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award, at respetuhin ang soberanya, karapatan at hurisdiksyon ng Pilipinas sa sarili nitong katubigan. | ulat ni Lorenz Tanjoco