Hinikayat ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora ang mga Local Chief Executive sa National Capital Region (NCR) na magpasa ng ordinansa sa lalong madaling panahon.
Ito’y para malinis ang kanilang nasasakupan mula sa mga sala-salabat na kable ng kuryente at komunikasyon na itinuturing na takaw-peligro sa mga residente.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong City, kapansin-pansin ang mga sala-salabat na kable ng kuryente na matagal na ring pinoproblema at inirereklamo.
Abot-abot ngayon ang mga residente dahil may pagkakataong kumikislap ang mga kable, indikasyon na maaari itong pagmulan ng sunog kung hindi maaagapan.
Pero sa panig ng Mandaluyong LGU, batid naman nila ang problema at sa katunayan ay kumilos na sila para linisin gayundin ay ayusin ang mga sala-salabat na kable.
Katunayan anila, tinatanggal na nila ang mga kable na “inactive” o wala nang koneksyon sa mainline upang hindi na ito maging masakit sa mata.
Magugunitang bumagsak kamakailan ang isang poste sa kahabaan ng Maria Orosa sa Ermita, Maynila dahil sa mala-spaghetting pababa at pataas na mga kable. | ulat ni Jaymark Dagala