Welcome sa Manila Electric Company (Meralco) ang hakbang ng Metro Manila Council (MMC) na linisin ang sala-salabat na mga kable sa National Capital Region (NCR) na bukod sa perwisyo na, takaw peligro pa.
Ayon kay Meralco Vice President for Corporate Communications at Spokesperson, Joe Zaldarriaga, malaking tulong sa kanila na makatuwang ang mga Local Chief Executive sa Metro Manila sa paglilinis ng mga kable.
Bago pa man ito ani Zaldarriaga, mayroon na silang kampaniya kontra sa mga sala-salabat na kable na tinatawag nilang “Anti-Urban Blight”.
Maliban dito, sinabi ni Zaldarriaga na nakatutok din sila sa iba pang “illegal connection” sa mga poste ng Meralco at puspusan na ang kanilang operasyon sa iba’t ibang lugar na sakop ng kanilang franchise area hinggil dito. | ulat ni Jaymark Dagala